Mga Awit 91
  • 1 Siyang tumatahan sa lihim na dako ng Kataastaasan. Ay mananatili sa lilim ng Makapangyarihan sa lahat.
  • 2 Aking sasabihin tungkol sa Panginoon, siya'y aking kanlungan at aking katibayan, ang Dios ko na siyang aking tinitiwalaan.
  • 3 Sapagka't kaniyang ililigtas ka sa silo ng paninilo, at sa mapamuksang salot.
  • 4 Kaniyang tatakpan ka ng kaniyang mga bagwis, at sa ilalim ng kaniyang mga pakpak ay manganganlong ka: ang kaniyang katotohanan ay kalasag at baluti.
  • 5 Ikaw ay hindi matatakot sa kakilabutan sa gabi, ni sa pana man na humihilagpos kung araw;
  • 6 Dahil sa salot na dumarating sa kadiliman, ni dahil sa paggiba man na sumisira sa katanghaliang tapat.
  • 7 Isang libo ay mabubuwal sa iyong siping, at sangpung libo sa iyong kanan; nguni't hindi lalapit sa iyo.
  • 8 Iyong mamamasdan lamang ng iyong mga mata, at iyong makikita ang ganti sa masama.
  • 9 Sapagka't ikaw, Oh Panginoon, ay aking kanlungan! Iyong ginawa ang Kataastaasan na iyong tahanan;
  • 10 Walang kasamaang mangyayari sa iyo, ni anomang salot ay lalapit sa iyong tolda.
  • 11 Sapagka't siya'y magbibilin sa kaniyang mga anghel tungkol sa iyo, upang ingatan ka sa lahat ng iyong mga lakad.
  • 12 Kanilang dadalhin ka sa kanilang mga kamay, baka matisod ka ng iyong paa sa isang bato.
  • 13 Iyong yayapakan ang leon at ang ulupong: ang batang leon at ang ahas ay yuyurakan mo ng iyong mga paa.
  • 14 Sapagka't kaniyang inilagak ang kaniyang pagibig sa akin, kaya't iniligtas ko siya: aking ilalagay siya sa mataas, sapagka't kaniyang naalaman ang pangalan ko.
  • 15 Siya'y tatawag sa akin, at sasagutin ko siya; ako'y sasa kaniya sa kabagabagan: aking ililigtas siya, at pararangalan siya.
  • 16 Aking bubusugin siya ng mahabang buhay, at ipakikita ko sa kaniya ang aking pagliligtas.