Mga Awit 79
  • 1 Oh Dios, ang mga bansa ay dumating sa iyong mana; ang iyong banal na templo ay kanilang nilapastangan; kanilang pinapaging bunton ang Jerusalem.
  • 2 Ang mga bangkay ng iyong mga lingkod ay ibinigay nila na pagkain sa mga ibon sa himpapawid, ang laman ng iyong mga banal ay sa mga hayop sa lupa.
  • 3 Ang kanilang dugo ay ibinubo nila na parang tubig sa palibot ng Jerusalem; at walang naglibing sa kanila.
  • 4 Kami ay naging kadustaan sa aming kalapit, kasabihan at kakutyaan nilang nangasa palibot namin.
  • 5 Hanggang kailan, Oh Panginoon, magagalit ka magpakailan man? Magaalab ba ang iyong paninibugho na parang apoy?
  • 6 Ibugso mo ang iyong pagiinit sa mga bansa na hindi nangakakakilala sa iyo, at sa mga kaharian na hindi nagsisitawag sa iyong pangalan.
  • 7 Sapagka't kanilang nilamon ang Jacob, at inilagay na sira ang kaniyang tahanan.
  • 8 Huwag mong alalahanin laban sa amin ang kasamaan ng aming mga magulang: magmadali ang iyong mga malumanay na kaawaan na tulungan kami: sapagka't kami ay totoong hinamak.
  • 9 Iyong tulungan kami, Oh Dios ng aming kaligtasan, dahil sa kaluwalhatian ng iyong pangalan: at iyong iligtas kami, at linisin mo ang aming mga kasalanan, dahil sa iyong pangalan.
  • 10 Bakit sasabihin ng mga bansa, Saan nandoon ang kanilang Dios? Ang kagantihan sa dugo na nabubo sa iyong mga lingkod maalaman nawa ng mga bansa sa aming paningin.
  • 11 Dumating nawa sa harap mo ang buntong-hininga ng bihag; ayon sa kadakilaan ng iyong kapangyarihan ay palagiin mo yaong nangatakda sa kamatayan:
  • 12 At ibalik mo sa aming mga kalapit-bansa sa makapito sa kanilang sinapupunan, ang kanilang pagduwahagi na kanilang idinuwahagi sa iyo, Oh Panginoon.
  • 13 Sa gayo'y kaming iyong bayan at mga tupa sa pastulan mo mangagpapasalamat sa iyo magpakailan man: aming ipakikilala ang iyong kapurihan sa lahat ng mga lahi.