Mga Awit 132
  • 1 Panginoon, alalahanin mo para kay David ang lahat niyang kadalamhatian;
  • 2 Kung paanong sumumpa siya sa Panginoon, at nanata sa Makapangyarihan ni Jacob:
  • 3 Tunay na hindi ako papasok sa tabernakulo ng aking bahay, ni sasampa man sa aking higaan,
  • 4 Hindi ako magbibigay ng pagkakatulog sa aking mga mata, o magpapaidlip man sa aking mga talukap-mata;
  • 5 Hanggang sa ako'y makasumpong ng dakong ukol sa Panginoon, ng tabernakulo ukol sa Makapangyarihan ni Jacob.
  • 6 Narito, narinig namin sa Ephrata: aming nasumpungan sa mga parang ng gubat.
  • 7 Kami ay magsisipasok sa kaniyang tabernakulo; kami ay magsisisamba sa harap ng kaniyang tungtungan.
  • 8 Bumangon ka, Oh Panginoon, sa iyong pahingahang dako: ikaw, at ang kaban ng iyong kalakasan.
  • 9 Magsipagsuot ang iyong mga saserdote ng katuwiran; at magsihiyaw ang iyong mga banal dahil sa kagalakan.
  • 10 Dahil sa iyong lingkod na kay David huwag mong ipihit ang mukha ng iyong pinahiran ng langis.
  • 11 Ang Panginoon ay sumumpa kay David sa katotohanan; hindi niya babaligtarin: ang bunga ng iyong katawan ay aking ilalagay sa iyong luklukan.
  • 12 Kung iingatan ng iyong mga anak ang aking tipan. At ang aking patotoo na aking ituturo, magsisiupo naman ang kanilang mga anak sa iyong luklukan magpakailan man.
  • 13 Sapagka't pinili ng Panginoon ang Sion; kaniyang ninasa na pinaka tahanan niya.
  • 14 Ito'y aking pahingahang dako magpakailan man. Dito ako tatahan; sapagka't aking ninasa.
  • 15 Aking pagpapalain siyang sagana sa pagkain; aking bubusugin ng pagkain ang kaniyang dukha.
  • 16 Ang kaniya namang mga saserdote ay susuutan ko ng kaligtasan: at ang kaniyang mga banal ay magsisihiyaw ng malakas sa kagalakan.
  • 17 Doo'y aking pamumukuhin ang sungay ni David: aking ipinaghanda ng ilawan ang aking pinahiran ng langis.
  • 18 Ang kaniyang mga kaaway ay susuutan ko ng kahihiyan: nguni't sa kaniya'y mamumulaklak ang kaniyang putong.