Mga Awit 71
  • 1 Sa iyo Oh Panginoon, nanganganlong ako: huwag akong mapahiya kailan man.
  • 2 Iligtas mo ako sa iyong katuwiran, at sagipin mo ako: ikiling mo ang iyong pakinig sa akin, at iligtas mo ako,
  • 3 Ikaw ay maging kanlungan ng aking tahanan, na aking kapaparunang lagi: ikaw ay nagbigay utos na iligtas ako; sapagka't ikaw ay aking malaking bato at aking kuta.
  • 4 Sagipin mo ako, Oh aking Dios, sa kamay ng masama, sa kamay ng liko at mabagsik na tao.
  • 5 Sapagka't ikaw ay aking pagasa, Oh Panginoong Dios: ikaw ay aking tiwala mula sa aking kabataan.
  • 6 Sa pamamagitan mo ay naalalayan ako mula sa bahay-bata: ikaw ang kumuha sa akin sa tiyan ng aking ina: ang pagpuri ko'y magiging laging sa iyo.
  • 7 Ako'y naging isang kagilagilalas sa marami; nguni't ikaw ang matibay kong kanlungan.
  • 8 Ang bibig ko'y mapupuno ng pagpuri sa iyo, at ng iyong karangalan buong araw.
  • 9 Huwag mo akong itakuwil sa katandaan; huwag mo akong pabayaan pagka ang aking kalakasan ay nanglulupaypay.
  • 10 Sapagka't ang mga kaaway ko'y nangagsasalita tungkol sa akin: at silang nagsisibakay ng aking kaluluwa ay nangagsasanggunian,
  • 11 Na nangagsasabi, pinabayaan siya ng Dios: iyong habulin at hulihin siya; sapagka't walang magligtas.
  • 12 Oh Dios, huwag kang lumayo sa akin: Oh Dios ko, magmadali kang tulungan mo ako.
  • 13 Mangapahiya at mangalipol sila na mga kaaway ng aking kaluluwa; mangatakpan ng pagkaduwahagi at kasiraang puri sila, na nagsisihanap ng aking kapahamakan.
  • 14 Nguni't ako'y maghihintay na palagi, at pupuri pa ako sa iyo ng higit at higit.
  • 15 Ang bibig ko'y magsasaysay ng iyong katuwiran, at ng iyong pagliligtas buong araw; sapagka't hindi ko nalalaman ang mga bilang.
  • 16 Ako'y yayao na may mga makapangyarihang gawa ng Panginoong Dios: aking babanggitin ang iyong katuwiran, sa makatuwid baga'y ang iyo lamang.
  • 17 Oh Dios, iyong tinuruan ako mula sa aking kabataan; at hanggang ngayon ay aking inihahayag ang iyong kagilagilalas na mga gawa.
  • 18 Oo, pag ako'y tumanda at may uban, Oh Dios, huwag mo akong pabayaan; hanggang sa aking maipahayag ang iyong kalakasan sa sumusunod na lahi, ang iyong kapangyarihan sa bawa't isa na darating.
  • 19 Ang iyo ring katuwiran, Oh Dios, ay totoong mataas; ikaw na gumawa ng dakilang mga bagay, Oh Dios, sino ang gaya mo.
  • 20 Ikaw na nagpakita sa amin ng marami at lubhang kabagabagan, bubuhayin mo uli kami, at ibabangon mo uli kami mula sa mga kalaliman ng lupa.
  • 21 Palaguin mo ang aking kadakilaan, at bumalik ka uli, at aliwin mo ako.
  • 22 Pupurihin din kita ng salterio, ang iyong katotohanan, Oh Dios ko; sa iyo'y aawit ako ng mga kapurihan sa pamamagitan ng alpa, Oh ikaw na Banal ng Israel.
  • 23 Ang mga labi ko'y mangagagalak na mainam pagka ako'y umaawit ng mga pagpuri sa iyo; at ang kaluluwa ko, na iyong tinubos.
  • 24 Ang dila ko naman ay magsasalita ng iyong katuwiran buong araw: sapagka't sila'y nangapahiya, sila'y nangalito, na nagsisihanap ng aking kapahamakan.