Mga Kawikaan 1
  • 1 ¶ Ang mga kawikaan ni Salomon na anak ni David na hari sa Israel:
  • 2 Upang umalam ng karunungan at turo; upang bulayin ang mga salita ng pagkaunawa;
  • 3 Upang tumanggap ng turo sa pantas na paguugali, sa katuwiran, at kahatulan, at karampatan;
  • 4 Upang magbigay ng katalinuhan sa musmos. Kaalaman at pagbubulay sa kabataan:
  • 5 Upang marinig ng pantas, at lumago sa ikatututo: at upang tamuhin ng taong may unawa ang magagaling na payo:
  • 6 Upang umunawa ng kawikaan at ng kahulugan; ng mga salita ng pantas, at ng kanilang malalabong sabi.
  • 7 Ang takot sa Panginoon ay pasimula ng kaalaman: nguni't ang mangmang ay humahamak sa karunungan at turo.
  • 8 Anak ko, dinggin mo ang turo ng iyong ama, at huwag mong pabayaan ang kautusan ng iyong ina:
  • 9 Sapagka't sila'y magiging tali ng biyaya sa iyong ulo, at mga kuwintas sa ligid ng iyong leeg.
  • 10 Anak ko, kung ikaw ay hikayatin ng mga makasalanan, huwag mong tulutan.
  • 11 Kung kanilang sabihin, sumama ka sa amin, tayo'y magsibakay sa pagbububo ng dugo, tayo'y mangagkubli ng silo na walang anomang kadahilanan sa walang sala;
  • 12 Sila'y lamunin nating buhay na gaya ng Sheol. At buo, na gaya ng nagsibaba sa lungaw;
  • 13 Tayo'y makakasumpong ng lahat na mahalagang pag-aari, ating pupunuin ang ating mga bahay ng samsam;
  • 14 Ikaw ay makikipagsapalaran sa gitna namin; magkakaroon tayong lahat ng isang supot:
  • 15 Anak ko, huwag kang lumakad sa daan na kasama nila; pigilin mo ang iyong paa sa kanilang landas:
  • 16 Sapagka't ang kanilang mga paa ay nagsisitakbo sa kasamaan, at sila'y nangagmamadali sa pagbububo ng dugo.
  • 17 Sapagka't walang kabuluhang naladlad ang silo, sa paningin ng alin mang ibon:
  • 18 At binabakayan ng mga ito ang kanilang sariling dugo, kanilang ipinagkukubli ng silo ang kanilang sariling mga buhay.
  • 19 Ganyan ang mga lakad ng bawa't sakim sa pakinabang; na nagaalis ng buhay ng mga may-ari niyaon.
  • 20 Karunungan ay humihiyaw na malakas sa lansangan; kaniyang inilalakas ang kaniyang tinig sa mga luwal na dako;
  • 21 Siya'y humihiyaw sa mga pangulong dako na pinaglilipunan; sa pasukan ng mga pintuang-bayan, sa bayan, kaniyang binibigkas ang kaniyang mga salita:
  • 22 Hanggang kailan kayong mga musmos, magsisiibig sa inyong kamusmusan? At ang mga nanunuya ay maliligaya sa panunuya, at ang mga mangmang ay mangagtatanim sa kaalaman?
  • 23 Magsibalik kayo sa aking saway: narito, aking ibubuhos ang aking espiritu sa inyo.
  • 24 Sapagka't ako'y tumawag, at kayo'y tumanggi: aking iniunat ang aking kamay, at walang makinig;
  • 25 Kundi inyong iniuwi sa wala ang buo kong payo, at hindi ninyo inibig ang aking saway:
  • 26 Ako naman ay tatawa sa kaarawan ng inyong kasakunaan: ako'y manunuya pagka ang inyong takot ay dumarating;
  • 27 Pagka ang iyong takot ay dumarating na parang bagyo. At ang inyong kasakunaan ay dumarating na parang ipoipo; pagka ang hirap at hapis ay dumating sa inyo.
  • 28 Kung magkagayo'y tatawag sila sa akin, nguni't hindi ako sasagot; hahanapin nila akong masikap, nguni't hindi nila ako masusumpungan:
  • 29 Sapagka't kanilang ipinagtanim ang kaalaman, at hindi pinili ang takot sa Panginoon.
  • 30 Ayaw sila ng aking payo; kanilang hinamak ang buo kong pagsaway:
  • 31 Kaya't sila'y magsisikain ng bunga ng kanilang sariling lakad, at mabubusog ng kanilang sariling mga kagagawan.
  • 32 Sapagka't papatayin sila ng pagtalikod ng musmos, at ang pagkawalang balisa ng mga mangmang ay ang sisira sa kanila.
  • 33 Nguni't ang nakikinig sa akin ay tatahang tiwasay. At tatahimik na walang takot sa kasamaan.