Mga Kawikaan 25
  • 1 Ang mga ito ay mga kawikaan din ni Salomon, na isinalin ng mga tao ni Hezekias na hari sa Juda.
  • 2 Kaluwalhatian nga ng Dios na maglihim ng isang bagay: nguni't ang kaluwalhatian ng mga hari ay magusisa ng isang bagay.
  • 3 Gaya ng langit sa kataasan, at ng lupa sa kalaliman, gayon ang puso ng mga hari ay di masayod.
  • 4 Alisin ang dumi sa pilak, at lumalabas na isang kasangkapan sa ganang mangbububo:
  • 5 Alisin ang masama sa harap ng hari, at ang kaniyang luklukan ay matatatag sa katuwiran.
  • 6 Huwag kang magpauna sa harapan ng hari, at huwag kang tumayo sa dako ng mga dakilang tao:
  • 7 Sapagka't maigi na sabihin sa iyo, sumampa ka rito: kay sa ibaba ka sa harapan ng pangulo, na nakita ng iyong mga mata.
  • 8 Huwag kang makialam ng walang gunita sa pakikipagbabag, baka hindi mo maalaman kung ano ang gagawin sa wakas niyaon, pagka ikaw ay hiniya ng iyong kapuwa.
  • 9 Ipaglaban mo ang iyong usap sa iyong kapuwa, at huwag mong ihayag ang lihim ng iba:
  • 10 Baka siyang nakakarinig ay umalipusta sa iyo, at ang iyong pagkadusta ay hindi maalis.
  • 11 Salitang sinalita sa kaukulan ay gaya ng mga mansanang ginto sa mga bilaong pilak.
  • 12 Kung paano ang hikaw na ginto, at kagayakang dalisay na ginto, gayon ang pantas na mananaway sa masunuring pakinig.
  • 13 Kung paano ang lamig ng niebe sa panahon ng pagaani, gayon ang tapat na sugo sa kanila na nangagsugo sa kaniya; sapagka't kaniyang pinagiginhawa ang kaluluwa ng kaniyang mga panginoon.
  • 14 Kung paano ang mga alapaap at hangin na walang ulan, gayon ang taong naghahambog ng kaniyang mga kaloob na walang katotohanan.
  • 15 Sa pamamagitan ng pagpipigil ng loob ay napahihikayat ang pangulo, at ang malumanay na dila ay bumabasag ng buto.
  • 16 Nakasumpong ka ba ng pulot? kumain ka ng sapat sa iyo; baka ka masuya, at iyong isuka.
  • 17 Magdalang ang iyong paa sa bahay ng iyong kapuwa; baka siya'y mayamot sa iyo, at ipagtanim ka.
  • 18 Ang tao na sumasaksi ng kasinungalingang saksi laban sa kaniyang kapuwa ay isang pangbayo at isang tabak, at isang matulis na pana.
  • 19 Pagtiwala sa di tapat na tao sa panahon ng kabagabagan ay gaya ng baling ngipin, at ng nabaliang paa.
  • 20 Kung paano ang nangaagaw ng kasuutan sa panahong tagginaw, at kung paano ang suka sa sosa, gayon siyang umaawit ng mga awit sa mabigat na puso.
  • 21 Kung ang iyong kaaway ay magutom, bigyan mo siya ng pagkain na makakain; at kung siya'y mauhaw, bigyan mo siya ng tubig na maiinom:
  • 22 Sapagka't ikaw ay magbubunton ng baga ng apoy sa kaniyang ulo, at gagantihin ka ng Panginoon.
  • 23 Ang hanging hilaga ay naglalabas ng ulan: gayon ang dilang maninirang puri ay nakagagalit.
  • 24 Maigi ang tumahan sa sulok ng bubungan, kay sa kasama ng palaaway na babae sa maluwang na bahay.
  • 25 Kung paano ang malamig na tubig sa uhaw na kaluluwa, gayon ang mga mabuting balita na mula sa malayong lupain.
  • 26 Kung paano ang malabong balon, at ang bukal na nalabusaw, gayon ang matuwid na tao na nagbigay daan sa harap ng masama.
  • 27 Hindi mabuting kumain ng maraming pulot: gayon ang paghanap ng tao ng kanilang sariling kaluwalhatian, ay hindi kaluwalhatian.
  • 28 Siyang hindi pumipigil ng kaniyang sariling diwa ay parang bayang nabagsak at walang kuta.