Mga Awit 74
  • 1 Oh Dios, bakit mo itinakuwil kami magpakailan man? Bakit ang iyong galit ay umuusok laban sa mga tupa ng iyong pastulan?
  • 2 Alalahanin mo ang iyong kapisanan na iyong binili ng una, na iyong tinubos upang maging lipi ng iyong mana; at ang bundok ng Sion na iyong tinahanan.
  • 3 Itaas mo ang iyong mga paa sa mga walang hanggang guho, ang lahat na kasamaang ginawa ng kaaway sa santuario.
  • 4 Ang mga kaaway mo'y nagsisiangal sa gitna ng iyong kapulungan; kanilang itinaas ang kanilang mga watawat na pinakatanda.
  • 5 Sila'y tila mga tao na nangagtaas ng mga palakol sa mga kakahuyan.
  • 6 At ngayo'y lahat ng gawang inanyuan doon. Kanilang pinagputolputol ng palakol at ng mga pamukpok.
  • 7 Kanilang sinilaban ng apoy ang iyong santuario; kanilang dinumhan ang tahanang dako ng iyong pangalan hanggang sa lupa.
  • 8 Kanilang sinabi sa kanilang puso, ating gibaing paminsan: kanilang sinunog ang lahat na sinagoga ng Dios sa lupain.
  • 9 Hindi namin nakikita ang aming mga tanda: Wala nang propeta pa; at wala mang sinoman sa amin na nakakaalam kung hanggang kailan.
  • 10 Hanggang kailan, Oh Dios, mangduduwahagi ang kaaway? Lalapastanganin ba ng kaaway ang iyong pangalan magpakailan man?
  • 11 Bakit mo iniuurong ang iyong kamay, ang iyong kanan? Ilabas mo sa iyong sinapupunan, at iyong lipulin sila.
  • 12 Gayon ma'y ang Dios ay aking Hari ng una, na nagliligtas sa gitna ng lupa.
  • 13 Iyong hinawi ang dagat sa iyong kalakasan: iyong pinagbasag ang mga ulo ng mga buwaya sa mga tubig.
  • 14 Iyong pinagputolputol ang mga ulo ng leviatan, ibinigay mo siya na pagkain sa bayan na tumatahan sa ilang.
  • 15 Ikaw ay nagbukas ng bukal at ilog: iyong tinutuyo ang mga malaking ilog.
  • 16 Ang araw ay iyo, ang gabi ay iyo rin: iyong inihanda ang liwanag at ang araw.
  • 17 Iyong inilagay ang lahat ng mga hangganan ng lupa: iyong ginawa ang taginit at taginaw.
  • 18 Iyong alalahanin ito, na nangduwahagi ang kaaway, Oh Panginoon, at nilapastangan ng mangmang na bayan ang iyong pangalan.
  • 19 Oh huwag mong ibigay ang kaluluwa ng inakay ng iyong kalapati sa mabangis na hayop: huwag mong kalimutan ang buhay ng iyong dukha magpakailan man.
  • 20 Magkaroong pitagan ka sa tipan: sapagka't ang mga madilim na dako ng lupa ay puno ng mga tahanan ng karahasan.
  • 21 Oh huwag bumalik na may kahihiyan ang naaapi: pupurihin ng dukha at mapagkailangan ang iyong pangalan.
  • 22 Bumangon ka, Oh Dios, ipaglaban mo ang iyong sariling usap: alalahanin mo kung paanong dinuduwahagi ka ng mangmang buong araw.
  • 23 Huwag mong kalimutan ang tinig ng iyong mga kaaway: ang ingay niyaong nagsisibangon laban sa iyo ay patuloy na lumalala.