Mga Awit 56
  • 1 Maawa ka sa akin, Oh Dios: sapagka't sasakmalin ako ng tao: buong araw ay nangbababag siya na pinipighati ako.
  • 2 Ibig akong sakmalin ng aking mga kaaway buong araw: sapagka't sila'y maraming may kapalaluan na nagsisilaban sa akin.
  • 3 Sa panahong ako'y matakot, aking ilalagak ang aking tiwala sa iyo.
  • 4 Sa Dios (ay pupuri ako ng kaniyang salita), sa Dios ay inilagak ko ang aking tiwala, hindi ako matatakot; anong magagawa ng laman sa akin?
  • 5 Buong araw ay binabaligtad nila ang aking mga salita: lahat ng kanilang mga pagiisip ay laban sa akin sa ikasasama.
  • 6 Sila'y nagpipisan, sila'y nagsisipagkubli, kanilang tinatandaan ang aking mga hakbang, gaya ng kanilang pagaabang sa aking kaluluwa.
  • 7 Tatakas ba sila sa pamamagitan ng masama? Sa galit ay ilugmok mo ang mga bayan, Oh Dios.
  • 8 Iyong isinasaysay ang aking mga paggagala: ilagay mo ang aking mga luha sa iyong botelya; wala ba sila sa iyong aklat?
  • 9 Tatalikod nga ang aking mga kaaway sa kaarawan na ako'y tumawag: ito'y nalalaman ko, sapagka't ang Dios ay kakampi ko.
  • 10 Sa Dios (ay pupuri ako ng salita), sa Panginoon (ay pupuri ako ng salita),
  • 11 Sa Dios ay inilagak ko ang aking tiwala, hindi ako matatakot; anong magagawa ng tao sa akin?
  • 12 Ang iyong mga panata ay sa akin, Oh Dios: ako'y magbabayad ng mga handog na pasalamat sa iyo.
  • 13 Sapagka't iniligtas mo ang aking kaluluwa sa kamatayan: hindi mo ba iniligtas ang aking mga paa sa pagkahulog? upang ako'y makalakad sa harap ng Dios sa liwanag ng buhay.