Job 41
  • 1 Mahuhuli mo ba ang buwaya ng isang bingwit? O mailalabas mo ba ang kaniyang dila ng isang panali?
  • 2 Makapaglalagay ka ba ng tali sa kaniyang ilong? O makabubutas sa kaniyang panga ng isang taga ng bingwit?
  • 3 Mamamanhik ba siya ng marami sa iyo? O magsasalita ba siya ng mga malumanay na salita sa iyo?
  • 4 Makikipagtipan ba siya sa iyo, upang ariin mo siyang alipin magpakailan man?
  • 5 Makikipaglaro ka ba sa kaniya na gaya sa isang ibon? O iyong tatalian ba siya para sa iyong mga dalaga?
  • 6 Makakalakal ba siya ng mga pulutong ng mangingisda? Mababahagi ba siya nila sa mga mangangalakal?
  • 7 Mahihiwa mo ba ang kaniyang balat ng sundang na bakal, o ang kaniyang ulo ng panaksak ng isda?
  • 8 Ipatong mo ang iyong kamay sa kaniya; alalahanin mo ang pagbabaka at huwag mo nang gawin.
  • 9 Narito, ang pagasa riyan ay walang kabuluhan: hindi ba malulugmok ang sinoman makita lamang yaon?
  • 10 Walang malakas na makapangahas kumilos niyaon: sino ngang makatatayo sa harap ko?
  • 11 Sinong naunang nagbigay sa akin upang aking bayaran siya? Anomang nasa silong ng buong langit ay akin.
  • 12 Hindi ako tatahimik tungkol sa kaniyang mga sangkap ng katawan, ni sa kaniya mang dakilang kapangyarihan, ni sa kaniya mang mainam na hugis.
  • 13 Sinong makapaglilitaw na karayagan ng kaniyang mga damit? Sinong makalalapit sa kaniyang magkasaping pangil?
  • 14 Sinong makapagbubukas ng mga pinto ng kaniyang mukha? Sa palibot ng kaniyang ngipin ay kakilabutan.
  • 15 Ang kaniyang mga matibay na palikpik ay kaniyang kapalaluan, nangagkakadikit na maigi na gaya sa isang tatak na mahigpit.
  • 16 Nagkakadikit sa isa't isa, na ang hangin ay hindi makaraan sa pagitan sa mga yaon.
  • 17 Sila'y nagkakasugpongan sa isa't isa; Nagkakalakip na magkasama, na hindi maihihiwalay.
  • 18 Ang kanilang mga bahin ay kumikislap ng apoy, at ang kanilang mga mata ay gaya ng mga bukang liwayway kung umaga.
  • 19 Mula sa kaniyang bibig ay lumalabas ang nagliliyab na sulo, at mga alipatong apoy ay nagsisilabas.
  • 20 Mula sa kaniyang mga butas ng ilong ay lumalabas ang usok, na gaya ng isang kumukulong talyasi at nagniningas na mga talahib.
  • 21 Ang kaniyang hinga ay nagpapaningas ng mga baga, at isang alab ay lumalabas sa kaniyang bibig.
  • 22 Sa kaniyang leeg ay tumitira ang kalakasan, at ang kakilabutan ay sumasayaw sa harap niya.
  • 23 Ang mga kaliskis ng kaniyang laman ay nangagkakadikitan; nangagtutumibay sa kaniya; hindi magagalaw.
  • 24 Ang kaniyang puso ay matatag na gaya ng isang bato; Oo, matatag na gaya ng batong pangibaba ng gilingan.
  • 25 Pagka siya'y tumitindig ay natatakot ang makapangyarihan: dahil sa pagkagulat ay nangalilito sila.
  • 26 Kung siya'y tagain ninoman ng tabak ay hindi tumatalab; ni ng sibat man, ng pana, ni ng matalas na tulis man.
  • 27 Kaniyang ipinalalagay ang bakal na parang dayami, at ang tanso na parang lapok na kahoy.
  • 28 Hindi niya mapatakas ng palaso: ang mga batong panghilagpos ay nagiging sa kaniya'y parang pinagputulan ng trigo.
  • 29 Ang mga panakbat ay nangapapalagay na parang pinagputulan ng trigo: kaniyang tinatawanan ang galaw ng sibat.
  • 30 Ang kaniyang mga sangkap sa ibaba ay gaya ng mga matulis na bibinga: lumalaganap na tila saksak sa banlik.
  • 31 Kaniyang pinagpapakuluan ang kalaliman na parang palyok: kaniyang ginagawa ang dagat na parang pamahid.
  • 32 Kaniyang pinasisilang ang landas sa likuran niya; aakalain ng sinoman na mauban ang kalaliman.
  • 33 Sa ibabaw ng lupa ay walang gaya niya, na likhang walang takot.
  • 34 Kaniyang minamasdan ang bawa't mataas na bagay: siya'y hari sa lahat ng mga anak na palalo.