Job 34
  • 1 Bukod dito'y sumagot si Eliu, at nagsabi,
  • 2 Dinggin ninyo ang aking mga salita, kayong mga pantas; at pakinggan ninyo ako, ninyong may kaalaman.
  • 3 Sapagka't ang pakinig ay tumitikim ng mga salita, gaya ng ngalangala na lumalasa ng pagkain.
  • 4 Ating piliin sa ganang atin ang matuwid: ating alamin sa gitna natin kung ano ang mabuti.
  • 5 Sapagka't sinabi ni Job, Ako'y matuwid, at inalis ng Dios ang aking katuwiran:
  • 6 Gayon ma'y akong may matuwid ay nabilang akong sinungaling; at ang aking sugat ay walang kagamutan, bagaman ako'y walang pagsalangsang.
  • 7 Sinong tao ang gaya ni Job, na umiinom ng pagkaduwahagi na tila tubig,
  • 8 Na yumayaon na kasama ng mga manggagawa ng kasamaan, at lumalakad na kasama ng mga masamang tao?
  • 9 Sapagka't kaniyang sinabi, Walang napapakinabang ang tao na siya'y makapagpalugod sa Dios.
  • 10 Kaya't dinggin ninyo ako, ninyong mga lalaking may unawa: malayo nawa sa Dios na siya'y gumawa ng masama; at sa Makapangyarihan sa lahat, na siya'y magkamit ng kasamaan.
  • 11 Sapagka't ang gawa ng tao ay tutuusin niya sa kaniya, at ipatatagpo sa bawa't tao ang ayon sa kaniyang mga lakad.
  • 12 Oo, sa katotohanan, ang Dios ay hindi gagawa ng kasamaan, ni ang Makapangyarihan sa lahat ay sisira ng kahatulan.
  • 13 Sinong nagbigay sa kaniya ng bilin sa lupa? O sinong nagayos ng buong sanglibutan?
  • 14 Kung kaniyang ilagak ang kaniyang puso sa tao, kung kaniyang pisanin sa kaniyang sarili ang kaniyang espiritu at ang kaniyang hininga;
  • 15 Tanang laman ay mamamatay na magkakasama, at ang tao ay mababalik uli sa alabok.
  • 16 Kung ngayon ay mayroon kang unawa ay dinggin mo ito: Dinggin mo ang tinig ng aking mga salita.
  • 17 Mamamahala ba ang nagtatanim sa katuwiran? At iyo bang parurusahan siyang ganap at may kaya?
  • 18 Siya na nagsabi sa isang hari: ikaw ay hamak? O sa mga mahal na tao: Kayo'y masasama?
  • 19 Na hindi gumagalang sa mga pagkatao ng mga pangulo, ni nagpakundangan man sa mayaman ng higit kay sa mahirap; sapagka't silang lahat ay gawa ng kaniyang mga kamay.
  • 20 Sa isang sangdali ay nangamamatay sila, kahit sa hating gabi; ang bayan ay inuuga at nawawala, at inaalis ang may kaya ng wala man lamang kamay.
  • 21 Sapagka't ang kaniyang mga mata ay nangasa lakad ng tao, at nakikita niya ang lahat niyang pagyaon.
  • 22 Walang kadiliman, ni makapal man pangungulimlim, na mapagtataguan ng mga manggagawa ng kasamaan.
  • 23 Sapagka't hindi na niya pakukundanganan ang tao, upang siya'y humarap sa Dios sa kahatulan.
  • 24 Kaniyang niluluray ang mga makapangyarihang tao ng mga paraang di masayod, at naglalagay ng mga iba na kahalili nila.
  • 25 Kaya't siya'y kumukuhang kaalaman sa kanilang mga gawa; at kaniyang binabaligtad sila sa gabi, na anopa't sila'y nangalilipol.
  • 26 Kaniyang hinahampas sila na parang masasamang tao sa hayag na paningin ng mga iba,
  • 27 Sapagka't sila'y nagsilihis ng pagsunod sa kaniya, at hindi binulay ang anoman sa kaniyang mga lakad:
  • 28 Na anopa't kaniyang pinadating ang daing ng dukha sa kaniya, at dininig niya ang daing ng napipighati.
  • 29 Pagka siya'y nagbibigay ng katahimikan, sino ngang makahahatol? At pagka kaniyang ikinukubli ang kaniyang mukha, sinong makakakita sa kaniya? Maging gawin sa isang bansa, o sa isang tao:
  • 30 Upang ang taong di banal ay huwag maghari, upang huwag maging silo sa bayan.
  • 31 Sapagka't may nagsabi ba sa Dios: Aking tinitiis ang parusa, hindi na ako magkakasala pa:
  • 32 Yaong hindi ko nakikita ay ituro mo sa akin: kung ako'y nakagawa ng kasamaan hindi ko na ito gagawin pa?
  • 33 Mangyayari pa ba ang kaniyang kagantihan na gaya ng iyong ibig na iyong tinatanggihan? Sapagka't ikaw ang marapat pumili at hindi ako: kaya't salitain mo kung ano ang iyong nalalaman.
  • 34 Mga taong may unawa ay magsasabi sa akin, Oo, bawa't pantas na taong nakakarinig sa akin:
  • 35 Si Job ay nagsasalita ng walang kaalaman. At ang kaniyang mga salita ay walang karunungan.
  • 36 Si Job nawa'y subukin hanggang sa wakas, dahil sa ang kaniyang sagot ay gaya ng mga masamang tao.
  • 37 Sapagka't siya'y nagdadagdag ng panghihimagsik sa kaniyang kasalanan, kaniyang pinagagalaw ang kaniyang mga kamay sa gitna natin, at pinararami ang kaniyang mga salita laban sa Dios.