Job 26
  • 1 Nang magkagayo'y sumagot si Job, at nagsabi,
  • 2 Paano mong tinulungan siya na walang kapangyarihan! Paano mong iniligtas ang kamay na walang lakas!
  • 3 Paano mong pinayuhan siya na walang karunungan, at saganang ipinahayag mo ang mabuting kaalaman!
  • 4 Kanino mo binigkas ang mga salita? At kanino ang diwa na lumabas sa iyo?
  • 5 Ang mga patay ay nanginginig sa ilalim ng tubig, at ang mga nananahan doon.
  • 6 Ang Sheol ay hubad sa harap ng Dios, at ang Abaddon ay walang takip.
  • 7 Kaniyang iniuunat ang hilagaan sa pagitang walang laman, at ibinibitin ang lupa sa wala.
  • 8 Kaniyang itinatali ang tubig sa kaniyang masinsing alapaap; at ang alapaap ay hindi nahahapak sa ilalim nila.
  • 9 Kaniyang tinatakpan ang ibabaw ng kaniyang luklukan, at iniladlad ang kaniyang mga alapaap sa ibabaw niyaon.
  • 10 Siya'y gumuguhit ng isang hangganan sa ibabaw ng tubig, hanggang sa pinagsasalikupan ng liwanag at kadiliman.
  • 11 Ang mga haligi ng langit ay nagsisipanginig. At nangatitigilan sa kaniyang saway.
  • 12 Kaniyang pinapag-iinalon ang dagat ng kaniyang kapangyarihan, at sa kaniyang kaalaman ay sinasaktan niya ang Rahab.
  • 13 Sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu ay ginayakan niya ang langit; sinaksak ng kaniyang mga kamay ang maliksing ahas.
  • 14 Narito, ang mga ito ang mga gilid lamang ng kaniyang mga daan: at pagkarahan ng bulong na ating naririnig sa kaniya! Nguni't sinong makakaunawa ng kulog ng kaniyang kapangyarihan?