Job 28
  • 1 Tunay na may mina na mayroong pilak, at dako na ukol sa ginto na kanilang pinagdadalisayan.
  • 2 Bakal ay hinuhukay sa lupa, at tanso ay binububo mula sa bato.
  • 3 Ang tao'y naglalagay ng wakas sa kadiliman, at sumisiyasat hanggang sa kalayulayuang hangganan ng mga bato ng kadiliman at salimuot na kadiliman.
  • 4 Siya'y humuhukay ng malayo sa tinatahanan ng mga tao: nililimot ng paa na dumadaan nagbibitin doong malayo sa mga tao, sila'y umuugoy na paroo't parito.
  • 5 Tungkol sa lupa, mula rito'y nanggagaling ang tinapay: at sa ilalim ay wari tinutuklap ng apoy.
  • 6 Ang mga bato nito'y kinaroroonan ng mga zafiro. At ito'y may alabok na ginto.
  • 7 Yaong landas na walang ibong mangdadagit ay nakakaalam. Ni nakita man ng mata ng falkon:
  • 8 Hindi natungtungan ng mga palalong hayop, ni naraanan man ng mabangis na leon,
  • 9 Kaniyang inilalabas ang kaniyang kamay sa batong pingkian; binabaligtad ng mga ugat ang mga bundok.
  • 10 Siya'y nagbabangbang sa gitna ng mga bato; at ang kaniyang mata ay nakakakita ng bawa't mahalagang bagay.
  • 11 Kaniyang tinatalian ang mga lagaslas upang huwag umagos; at ang bagay na nakukubli ay inililitaw niya sa liwanag.
  • 12 Nguni't saan masusumpungan ang karunungan? At saan naroon ang dako ng pagkaunawa?
  • 13 Hindi nalalaman ng tao ang halaga niyaon; ni nasusumpungan man sa lupain ng may buhay.
  • 14 Sinasabi ng kalaliman. Wala sa akin: at sinasabi ng dagat: Hindi sumasaakin.
  • 15 Hindi mabibili ng ginto, ni matitimbangan man ng pilak ang halaga niyaon.
  • 16 Hindi mahahalagahan ng ginto sa Ophir, ng mahalagang onix, o ng zafiro.
  • 17 Ginto at salamin ay hindi maihahalintulad doon: ni maipagpapalit man sa mga hiyas na dalisay na ginto.
  • 18 Hindi mabibilang ang coral o ang cristal; Oo, ang halaga ng karunungan ay higit sa mga rubi.
  • 19 Ang topacio sa Etiopia ay hindi maipapantay doon, ni mahahalagahan man ng dalisay na ginto.
  • 20 Saan nanggagaling nga ang karunungan? At saan naroon ang dako ng pagkaunawa?
  • 21 Palibhasa't nakukubli sa mga mata ng lahat na may buhay, at natatago sa mga ibon sa himpapawid.
  • 22 Ang kapahamakan at ang kamatayan ay nagsasabi, narinig namin ng aming mga pakinig ang bulungbulungan niyaon.
  • 23 Nauunawa ng Dios ang daan niyaon, at nalalaman niya ang dako niyaon.
  • 24 Sapagka't tumitingin siya hanggang sa mga wakas ng lupa, at nakikita ang silong ng buong langit;
  • 25 Upang bigyan ng timbang ang hangin; Oo, kaniyang tinatakal ang tubig sa takalan.
  • 26 Nang siya'y gumawa ng pasiya sa ulan, at ng daan sa kidlat ng kulog:
  • 27 Nang magkagayo'y nakita niya ito, at inihayag; kaniyang itinatag ito, oo, at siniyasat.
  • 28 At sa tao ay sinabi niya, Narito, ang pagkatakot sa Dios ay siyang karunungan; at ang paghiwalay sa kasamaan ay pagkaunawa.