Job 18
Wikang Tagalog Ang Banal na Bibliya · 21 verses
- 1 Nang magkagayo'y sumagot si Bildad na Suhita, at nagsabi,
- 2 Hanggang kailan manghuhuli kayo ng mga salita? Inyong bulayin, at pagkatapos ay magsasalita kami.
- 3 Bakit kami nangabibilang na parang mga hayop, at naging marumi sa iyong paningin?
- 4 Ikaw na nagpapakabagbag sa iyong galit, pababayaan ba ang lupa dahil sa iyo? O babaguhin ba ang bato mula sa kinaroroonan?
- 5 Oo, ang ilaw ng masama ay papatayin, at ang liyab ng kaniyang apoy ay hindi liliwanag.
- 6 Ang ilaw ay magdidilim sa kaniyang tolda, at ang kaniyang ilawan sa itaas niya ay papatayin.
- 7 Ang mga hakbang ng kaniyang kalakasan ay mapipigil, at ang kaniyang sariling payo ang magbabagsak sa kaniya.
- 8 Sapagka't siya'y inihagis sa lambat ng kaniyang sariling mga paa, at siya'y lumalakad sa mga silo.
- 9 Isang panghuli ang huhuli sa kaniya sa mga sakong. At isang silo ay huhuli sa kaniya.
- 10 Ang panali ay nakakubli ukol sa kaniya sa lupa, at isang patibong na ukol sa kaniya ay nasa daan.
- 11 Mga kakilabutan ay tatakot sa kaniya sa lahat ng dako, at hahabol sa kaniya sa kaniyang mga sakong.
- 12 Ang kaniyang kalakasan ay manglalata sa gutom, at ang kapahamakan ay mahahanda sa kaniyang tagiliran.
- 13 Susupukin ang mga sangkap ng kaniyang katawan, Oo, lalamunin ng panganay ng kamatayan ang kaniyang mga sangkap.
- 14 Siya'y ilalabas sa kaniyang tolda na kaniyang tinitiwalaan; at siya'y dadalhin sa hari ng mga kakilabutan.
- 15 Tatahan sa kaniyang tolda yaong di niya kaanoano: azufre ay makakalat sa kaniyang tahanan.
- 16 Ang kaniyang mga ugat ay mangatutuyo sa ilalim, at sa ibabaw ay puputulin ang kaniyang sanga.
- 17 Ang alaala sa kaniya ay mawawala sa lupa, at siya'y mawawalan ng pangalan sa lansangan.
- 18 Siya'y ihahatid sa kadiliman mula sa liwanag, at itatapon sa labas ng sanglibutan.
- 19 Siya'y hindi magkakaroon kahit anak, ni anak man ng anak sa gitna ng kaniyang bayan, ni anomang nalabi sa kaniyang pinakipamayanan.
- 20 Silang nagsisidating pagkatapos ay mangatitigilan sa kaniyang kaarawan, gaya ng nangauna na nangatakot.
- 21 Tunay na ganyan ang mga tahanan ng mga liko, at ito ang kalalagyan niya na hindi nakakakilala sa Dios.