2 Mga Taga-Corinto 6
  • 1 At yamang kalakip niyang gumagawa ay ipinamamanhik din namin sa inyo na huwag ninyong tanggapin ang biyaya ng Dios na walang kabuluhan.
  • 2 (Sapagka't sinasabi niya, Sa panahong ukol kita'y pinakinggan, At sa araw ng pagliligtas kita'y sinaklolohan: Narito, ngayon ang panahong ukol; narito, ngayon ang araw ng kaligtasan):
  • 3 Na di nagbibigay ng kadahilanang ikatitisod sa anoman, upang ang aming ministerio ay huwag mapulaan;
  • 4 Datapuwa't sa lahat ng mga bagay ay ipinagkakapuri namin ang aming sarili, gaya ng mga ministro ng Dios, sa maraming pagtitiis, sa mga kapighatian, sa mga pangangailangan, sa mga paghihinagpis,
  • 5 Sa mga latay, sa mga pagkabilanggo, sa mga kaguluhan, sa mga gawa, sa mga pagpupuyat, sa mga pagaayuno;
  • 6 Sa kalinisan, sa kaalaman, sa pagpapahinuhod, sa kagandahang-loob, sa Espiritu Santo, sa pagibig na hindi pakunwari,
  • 7 Sa salita ng katotohanan, sa kapangyarihan ng Dios; sa pamamagitan ng mga sandata ng katuwiran sa kanan at sa kaliwa,
  • 8 Sa pamamagitan ng karangalan at ng kasiraang puri, sa pamamagitan ng masamang ulat at ng mabuting ulat; gaya ng mga magdaraya gayon ma'y mga mapagtapat;
  • 9 Waring hindi mga kilala, gayon ma'y mga kilalang mabuti; tulad sa nangaghihingalo, at narito, kami ay nangabubuhay; gaya ng mga pinarurusahan, at hindi pinapatay;
  • 10 Tulad sa nangalulungkot, gayon ma'y laging nangagagalak; tulad sa mga dukha, gayon ma'y nangagpapayaman sa marami; gaya ng walang anomang pag-aari, gayon ma'y mayroon ng lahat ng mga bagay.
  • 11 Ang aming bibig ay bukas para sa inyo, Oh mga taga Corinto, ang aming puso ay lumalaki.
  • 12 Hindi kayo nangakasisikip sa amin, kundi nangasisikipan kayo sa inyong sariling pagibig.
  • 13 Kaya nga bilang ganti sa gayong bagay (nangungusap akong gaya sa aking mga anak), ay mangagsilaki naman kayo.
  • 14 Huwag kayong makipamatok ng kabilan sa mga di nagsisisampalataya: sapagka't anong pakikisama mayroon ang katuwiran at kalikuan? o anong pakikisama mayroon ang kaliwanagan sa kadiliman?
  • 15 At anong pakikipagkasundo mayroon si Cristo kay Belial? o anong bahagi mayroon ang sumasampalataya sa di sumasampalataya?
  • 16 At anong pakikipagkaisa mayroon ang templo ng Dios sa mga diosdiosan? sapagka't tayo'y templo ng Dios na buhay; gaya ng sabi ng Dios, Mananahan ako sa kanila, at lalakad ako sa kanila; at ako'y magiging kanilang Dios, at sila'y magiging aking bayan.
  • 17 Kaya nga, Magsialis kayo sa kanila, at magsihiwalay kayo, sabi ng Panginoon, At huwag kayong magsihipo ng mga bagay na marumi, At kayo'y aking tatanggapin,
  • 18 At ako sa inyo'y magiging ama, At sa akin kayo'y magiging mga anak na lalake at babae, sabi ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat.