1 Timoteo 2
Wikang Tagalog Ang Banal na Bibliya · 15 verses
- 1 Una-una nga sa lahat ng mga bagay, ay iniaaral ko na manaing, manalangin, mamagitan, at magpasalamat na patungkol sa lahat ng mga tao;
- 2 Ang mga hari at ang lahat ng nangasa mataas na kalagayan; upang tayo'y mangabuhay na tahimik at payapa sa buong kabanalan at kahusayan.
- 3 Ito'y mabuti at nakalulugod sa paningin ng Dios na ating Tagapagligtas;
- 4 Na siyang may ibig na ang lahat ng mga tao'y mangaligtas, at mangakaalam ng katotohanan.
- 5 Sapagka't may isang Dios at may isang Tagapamagitan sa Dios at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus,
- 6 Na ibinigay ang kaniyang sarili na pangtubos sa lahat; na pagpapatotoong mahahayag sa sariling kapanahunan;
- 7 Na dito'y itinalaga ako na tagapangaral at apostol (sinasabi ko ang katotohanan, hindi ako nagsisinungaling), guro sa mga Gentil sa pananampalataya at katotohanan.
- 8 Ibig ko ngang ang mga tao'y magsipanalangin sa bawa't dako, na iunat ang mga kamay na banal, na walang galit at pakikipagtalo.
- 9 Gayon din naman, na ang mga babae ay magsigayak ng mahinhing damit na may katimtiman at hinahon; hindi ng mahalagang hiyas ng buhok, at ginto o perlas o damit na mahalaga;
- 10 Kundi (siyang nararapat sa mga babae na magpakabanal) sa pamamagitan ng mabubuting gawa.
- 11 Ang babae'y magaral na tumahimik na may buong pagkapasakop.
- 12 Nguni't hindi ko ipinahihintulot na ang babae ay magturo, ni magkaroon ng pamumuno sa lalake, kundi tumahimik.
- 13 Sapagka't si Adam ay siyang unang nilalang, saka si Eva;
- 14 At si Adam ay hindi nadaya, kundi ang babae nang madaya ay nahulog sa pagsalangsang;
- 15 Nguni't ililigtas siya sa pamamagitan ng panganganak, kung sila'y magsisipamalagi sa pananampalataya at pagibig at sa pagpapakabanal na may hinahon.