1 Mga Taga-Tesalonica 5
  • 1 Datapuwa't tungkol sa mga kapanahunan at mga bahagi ng panahon, mga kapatid, hindi ninyo kailangan na isulat ko pa sa inyo ang anoman.
  • 2 Sapagka't kayo rin ang mga lubos na nangakakaalam, na ang pagdating ng kaarawan ng Panginoon ay gaya ng magnanakaw sa gabi.
  • 3 Pagka sinasabi ng mga tao, Kapayapaan at katiwasayan, kung magkagayo'y darating sa kanila ang biglang pagkawasak, na gaya ng pagdaramdam, sa panganganak ng babaing nagdadalang-tao; at sila'y hindi mangakatatanan sa anomang paraan.
  • 4 Nguni't kayo, mga kapatid, ay wala sa kadiliman, upang sa araw na yaon ay masubukan kayong gaya ng magnanakaw:
  • 5 Sapagka't kayong lahat ay pawang mga anak ng kaliwanagan, at mga anak ng araw: tayo'y hindi ng gabi, ni ng kadiliman man;
  • 6 Huwag nga tayong mangatulog, gaya ng mga iba, kundi tayo'y mangagpuyat at mangagpigil.
  • 7 Sapagka't ang nangatutulog ay nangatutulog sa gabi; at ang nangaglalasing ay nangaglalasing sa gabi.
  • 8 Datapuwa't palibhasa'y mga anak tayo ng araw, mangagpigil tayo, na isuot ang baluti ng pananampalataya at ng pagibig; at ang maging turbante ay ang pagasa ng kaligtasan.
  • 9 Sapagka't tayo'y hindi itinalaga ng Dios sa galit, kundi sa pagtatamo ng pagkaligtas sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo,
  • 10 Na namatay dahil sa atin, upang tayo, sa gising o tulog man, ay mangabuhay tayong kasama niya.
  • 11 Dahil dito kayo'y mangagpangaralan, at mangagpatibayan sa isa't isa sa inyo, gaya ng inyong ginagawa.
  • 12 Datapuwa't ipinamamanhik namin sa inyo, mga kapatid, na inyong kilalanin ang nangagpapagal sa inyo, at nangamumuno sa inyo sa Panginoon, at nangagpapaalaala sa inyo;
  • 13 At inyong lubos na pakamahalin sila sa pagibig, dahil sa kanilang gawa. Magkaroon kayo-kayo ng kapayapaan.
  • 14 At aming ipinamamanhik sa inyo, mga kapatid, na inyong paalalahanan ang mga manggugulo, palakasin ang mga mahihinang-loob, alalayan ang mga mahihina, at maging mapagpahinuhod kayo sa lahat.
  • 15 Tingnan nga ninyo na huwag gumanti ang sinoman ng masama sa masama; nguni't sundin ninyong lagi ang mabuti, ang isa'y sa iba, at sa lahat.
  • 16 Mangagalak kayong lagi;
  • 17 Magsipanalangin kayong walang patid;
  • 18 Sa lahat ng mga bagay ay magpasalamat kayo; sapagka't ito ang kalooban ng Dios kay Cristo tungkol sa inyo.
  • 19 Huwag ninyong patayin ang ningas ng Espiritu;
  • 20 Huwag ninyong hamakin ang mga panghuhula;
  • 21 Subukin ninyo ang lahat ng mga bagay, ingatan ninyo ang mabuti;
  • 22 Layuan ninyo ang bawa't anyo ng masama.
  • 23 At pakabanalin kayong lubos ng Dios din ng kapayapaan; at ang inyong espiritu at kaluluwa at katawan ay ingatang buo, na walang kapintasan sa pagparito ng ating Panginoong Jesucristo.
  • 24 Tapat yaong sa inyo'y tumatawag, na gagawa rin naman nito.
  • 25 Mga kapatid, idalangin ninyo kami.
  • 26 Batiin ninyo ang lahat ng mga kapatid ng banal na halik.
  • 27 Idinadaing ko sa inyo alangalang sa Panginoon na basahin sa lahat ng mga kapatid ang sulat na ito.
  • 28 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo ay sumainyo nawa.